
Pinatatakas kita ngayon habang
ikinukulong sa rehas ng pag-asam ang iyong alaala.
Pinaaalpas sa iyong paglaya habang
kuyom ng aking dibdib ang pangaw ng iyong ngiti at halik.
Pinalalaya ko ang iyong búkas habang
nagpapaalipin sa bakás ng iyong samyo at tinig.
Hindi na kailangang buksan ang ating hawla.
Naririnig ko na ang pagaspas ng minimithi mong paglisan.
Hindi ka napagod.
Hindi natulog ang iyong mga gabi.
Hindi umamo ang binitag kong puso.
Hindi naturuang mangusap ng kapuwa pag-ibig
ang ilahas at umid mong pangako at pangarap.
Sa iyong pag-alis, ipipinid ko ang aking daigdig
upang makipagniig sa aking panaginip.
At pagbubuksan lamang sa pintig ng iyong mga katok
No comments:
Post a Comment