naglalambitin sa talukap ng gunita
ang mga alalahanin ng buntong hininga
nginangatngat ang damdaming naulila
ng mga hinanakit na nilunod ng luha.
sa pagaspas ng tandang sa pag uumaga
sa mahilam na liwanag ng araw na maputla
tila ang sugat na likha ay pinananariwa
sa paglusong sa laot ng sawing tadhana.
walang pangalawang sakit na iyong ginawa
malibang dikdikin ang pusong manhid na
at saka iwiwisik sa palanas at uma
at dooy lilimuting minsay kinaray ka.
kung pinagsugpong ang katawang pata
sa halinghing at ungot at mga pagpapasasa
sa marahang kurot at tandang sumugba
sigalpot ng nasang naglugmok nagpahina.
maalala mo kayang minsa'y nagtampisaw
NAGPAKIWAL KIWAL KA SA PANGINGIBABAW
iginiya mong minsan ng sa iyo ay sumablay
at saka ka dumaing ng pagkatagaltagal
naalala mo ba ang pangangabayo
ng ikaw at ako'y sakbat pa ang pagsuyo
para akong hiniteng uhaw sa kalaro
na ang nasay lagpasan ang pagdidiliryo..
malamlam ang paningin habang hinahagod
sa malaong gunitang pilit sinasayod
saan nagsimula at saan nagtapos
ang isang pagsintang kay ikling natapos.
akala ko'y kayang ihandog ang langit
sapat ang sandatang aking ginamit
inakalang tapat na sa akin umiibig
sa ibang pagsinta'y kay daling naakit.
paano ang gabi ng mga pagtangis ?
ang pangangailangan ng paghuhumindig
walang ibang lunas malibang ihagis
ang walang malay na pamumulandit.
pagkatapos ng sigwa ng maalong nasa
saka magsisisi sa lisya mong nagawa
ano't nadamay ang binhi at pag asa
disin sana'y mabuti kung napasok sa ina.
lilimutin kita kahit masakit
susubukang sa iba maghanap ng init
sana ay makita ang iyong kapalit
ng di na naglalatang ang poot at galit...




